RSCUAA 2024 Chess Tournament: NISU Blue Marlins Tumulak ng Piyesa, Isa Tungo NSCUAA
Siguradong pagtasa sa piyesa at maingat na pagsulong ng matalas na estratehiya ang pinairal ng NISU Blue Marlins Chess Men at Women upang makupo ang mga medalya at isang manlalaro ang naitulak tungo sa National SCUAA matapos bumida sa RSCUAA 2024 Sports and Conference Chess Tournament, ISUFST Main Poblacion Library, Disyembre 18.
Nakamit ni Jonhzel Suerte (NISU Sara) ang pilak sa Board 1 matapos pumirmi sa ikalawang pwesto, daan tungo sa kwalipikasyon niya para sa NSCUAA.
Sa kabuuan, ang Men's Division ng koponan ay nakamit ang pilak na medalya, nakuha ni Robert Benedict Lucio (NISU Main) ang pilak na pwesto sa Board 3, at si Giro Louie Batan (NISU Batad) ang nangibabaw bilang kampyeon sa Board 5 (reserved). Sa kabila ng kanilang pagsusumikap, ang ISAT-U TechnoBees ang nakakuha ng gintong pwesto sa kategorya at nakuha naman ng UPV Fighting Maroons ang tanso.
Sa Women's Division, ipinakita ng NISU ang kanilang kahusayan sa pangunguna ni Ed-lyn Toledo (NISU Main) na nag-uwi ng gintong medalya bilang kampyeon sa Board 3, habang si Khately Fernandez (NISU Main) naman ang nakakuha ng pilak na medalya bilang manlalarong nakamit ang ikalawang pwesto sa Board 4. Matapos ang labanan, ISAT-U TechnoBees ang nakakuha ng ginto at UPV Fighting Maroons naman sa pilak, at SUNN Rays naman sa tansong medalya.
Sa isang panayam, ibinahagi ng mga manlalaro ang kanilang mga sikreto sa tagumpay—hindi matinag na pokus, disiplina, at maayos na paghahanda.
"Wala gid ko naghatag kumpiyansa sa akon kontra. Padayon nga disiplina asta matapos ang tanan hampang. Ang akon preparasyon for NSCUAA, padayon lng nga focus kag disiplina sa training," saad ni Suerte.
Binibigyang-diin naman ni Ed-lyn Toledo ang kahalagahan ng pananampalataya at mental na kahandaan: "First, always pray before the game, win or lose never forget to thank God after the game. Next, you need to Focus, analyze and discipline yourself throughout the game. Lastly, believe in yourself and in your capabilities, just push and checkmate."
Dala ang pag-asang mas mapapaganda pa ang kanilang laro sa iba’t ibang entablado ng chess, ang koponan ay patuloy na magsasanay para sa mga laro sa hinaharap.